Skip to main content

Kabataan Hinikayat Kumuha ng Kursong Agrikultura

HINIMOK ng isang propesor sa University of the Philippines Los Baños ang mga kabataan na kumuha ng kursong agrikultura dahil hindi lamang pagsasaka ang maaaring gawin dito kundi maaari rin itong maging negosyo.

Ayon kay Dr. Glenn Gregorio, agriculture professor sa nasabing unibersidad, kasalukuyan nang dini-develop ang curriculum sa Bachelor of Science in Agribusiness kung saan hindi lamang magiging agriculturist ang mga estudyante pagka-graduate kundi maaari ring maging agripreneur.

“We should change the mindset of the farmers to be business-like,” wika ni Dr. Gregorio, chairperson ng technical panel sa Commission on Higher Education na bumubuo ng curriculum sa agriculture education.

Si Dr. Gregorio ay director din ng Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture.

“The uniqueness of that new curriculum in agriculture is that we made all the major courses in the first two years, binaliktad namin ‘yun mga business-related nasa taas nalang,” sabi ni Gregorio sa isang press conference pagkatapos ng grand launching ng SEARCA Hub for Agriculture and Rural Innovation for the Next Generation na ginanap sa SEARCA headquarters sa UP Los Baños noong Biyernes.

Sinabi pa ni Gregorio na hindi siya nababahala bagama’t kakaunti lamang ang kumukuha ng kursong agrikultura. Aniya, hindi naman kinakailangan na maging agriculturist para pamahalaan ang isang farm at pagsasaka.

“We need people from all disciplines para suportahan ang agriculture,” dagdag pa niya..

Samantala, ibinida rin sa nasabing event ang youth agri-innovators forum kung saan ibinahagi ng tatlong youth agriprenuers ang kanilang tagumpay at best practices sa larangan ng pagsasaka o agrikultura.

Kanilang ibinahagi ang kahalagahan ng teknolohiya sa pagsasaka nang sa gayon ay mapagaan ang trabaho ng mga magsasaka. Hinikayat din nila ang kapwa nila kabataan na pasukin ang larangan ng agribusiness.